Inova
Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Para sa mga Tagapag-alaga: Mga Payo sa Pagkaya

Kadalasang nararamdaman ng mga tagapag-alaga na dapat buong oras nilang tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mahal sa buhay. Ngunit hindi makakatulong sa sinuman ang pagsagad sa iyong sarili. At maaari nitong maapektuhan nang negatibo ang sarili mong kalusugan. Hindi mo maaalagaan nang mabuti ang ibang tao kung hindi mo rin inaalagaan nang mabuti ang iyong sarili. Hindi ito pagkamakasarili. Ito ay mahalaga. Magpahinga. Kumain nang tama. Lumabas at mag-ehersisyo. Higit sa lahat, tanggapin na hindi mo magagawa ang lahat nang ikaw lamang.

Babaeng naglalakad sa labas.

Bigyan ang iyong sarili ng pahinga

Hindi magkasing-halaga ang lahat ng bagay na ginagawa mo. Magtakda ng mga prayoridad. Sa ganoong paraan hindi ka magiging abala sa lahat ng oras. Ingatan ang iyong kalusugan. Maglakad-lakad sa bawat pagkakataon na magkaroon ka. Maligo nang matagal. Palakasin ang loob mo sa pamamagitan ng pagkain ng tanghalian kasama ang isang kaibigan. O huwag gumawa sa loob ng isang oras. Umidlip lang o magpahinga.

Sumali sa isang grupong tumutulong

Isaalang-alang ang pagsali sa isang grupo ng tagapag-alaga na tumutulong kung saan maaari mong sabihin ang iyong sitwasyon, o makinig lamang sa kanila. Tutulungan ka ng mga grupong ito na maramdaman mong hindi ka nag-iisa. Maaari silang magbigay ng mga ideya para sa pagkaya at pangangalaga ng sarili. Maaari silang makipagkita nang personal o online. Sa maraming lungsod, ibinibigay ang mga grupong tumutulong sa mga wikang bukod sa Ingles. Humingi ng impormasyon sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga pagpipilian sa iyong lugar.

Tumanggap ng tulong

Maaaring makaginhawa ang pagkaalam na maaasahan mo ang ibang tao. Tanggapin ang tulong kapag iniaalok ito. At maging handang humingi ng tulong kapag kailangan mo ito. Ang mga nagmamalasakit sa iyo ay talagang gustong tumulong.

Pangungulila at depresyon

Sa paglipas ng panahon, pagkatapos ng isang malubhang kaganapan sa kalusugan, dapat na dahan-dahang mabawasan ang stress. Ngunit maaaring nagbago na ang iyong buhay. Maaari itong magdulot ng kalungkutan, sa iyo at sa iyong mahal sa buhay. Makipag-ugnayan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung alinman sa inyo ay nagpapakita ng mga palatandaan ng depresyon. Maaari kang matulungan ng paggamot, tulad ng propesyonal na pagpapayo, gamot, o kombinasyon ng mga ito, na makahanap ng pag-asa, kahit sa palagay mo ay walang makatutulong sa iyo. Kung mas maagang masimulan ang paggamot, mas mabisa ito. Puwedeng kasama sa mga palatandaan ng depresyon ang:

  • Madalas na nalulungkot

  • Pakiramdam na nagkasala o walang magawa

  • Nawawalan ng kasiyahan sa mga bagay na dati mong kinagigiliwan, tulad ng pagbabasa, ehersisyo, o mga kaganapang panlipunan

  • Kakaunting pagtulog o mahigit sa karaniwan

  • Pagkakaroon ng malaking pagtaas o pagbaba sa gana sa pagkain o timbang

  • Pakiramdam na hindi mapakali o iritable

  • Pakiramdam na pagod, nanghihina, o mababa ang enerhiya

  • Nagkakaproblema sa pagpokus, pag-alala, o paggawa ng mga desisyon

  • Pagiging galit o balisa (maaaring ito lamang ang mas karaniwang palatandaan sa mga taong ipinanganak na lalaki)

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer